Kulong ang isang 18-anyos mabangga ng minamaneho nitong tricycle ang isang motorsiklo na ikinasugat ng dalawang katao, nitong madaling araw ng Setyembre 26 sa national highway ng San Fermin, Cauayan City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, kapwa patungong timog na direksyon ang mga sangkot na sasakyan.
Unang bumibiyahe ang tricycle na minamaneho ng 18-anyos na lalaki, habang kasunod nito ang motorsiklo na minamaneho ng 36-anyos na lalaki, kasama ang kanyang 36-anyos na angkas.
Pagdating sa lugar ng insidente, bigla umanong lumiko pakanan ang tricycle dahilan upang bumangga ang sumusunod na motorsiklo sa bahagi ng sidecar nito.
Dahil sa banggaan, nagtamo ng injury sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver at angkas ng motorsiklo. Agad silang isinugod ng Rescue 922 sa Cauayan District Hospital para sa kaukulang atensyong medikal.
Hindi naman nasaktan ang 18-anyos na driver ng tricycle.
Lumalabas sa police report na wala umanong driver’s license ang 18-anyos na ngayon at nasa kustodiya na ng Pulisya.
Kapwa nagtamo ng pinsala ang tricycle at motorsiklo, subalit hindi pa natutukoy ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga ito.
Inihahanda naman ng pulisya ang posibleng pagsasampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries and Damage to Property, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.










