Tinanggihan ni United States President Donald Trump ang panukala ng Iran na muling buksan sa loob ng isang linggo ang Strait of Hormuz.
Batay sa ulat mabilis umanong ibinasura ni Trump ang panukala dahil sa pagdududa kung tutuparin ng Iran ang mga hinihingi ng Washington.
Sa ilalim ng pitong araw na plano ng Iran, nais nitong ilabas ng US ang 12 bilyong dolyar na frozen Iranian assets, alisin ang oil sanctions at itigil ang naval blockade sa mga daungan ng Iran. Hinihiling din ng Tehran na itigil ang lahat ng labanan, kabilang ang sa Lebanon.
Ayon kay Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi, maaaring muling buksan ang Strait of Hormuz kapag natugunan ng US ang mga kondisyon ng Iran, na tinatayang aabutin ng apat hanggang limang araw. Sa ikapitong araw naman ay maaari umanong magsimula ang negosasyon para sa isang pangmatagalang kasunduan.
Wala pang pampublikong pahayag ang US government kaugnay sa panukala. Gayunman, sinabi ng isang opisyal ng US na hindi nagmamadali ang Washington na tumugon at naniniwalang nasa malakas itong posisyon kaugnay sa Strait of Hormuz.
Patuloy naman ang indirect negotiations sa pagitan ng US at Iran sa pamamagitan ng Qatar bilang tagapamagitan. Kasabay nito, nananatiling bukas ang posibilidad ng panibagong tensiyon o labanan habang hindi pa nagkakaroon ng kasunduan ang dalawang panig.











