Iniimbestigahan na ng Department of Education Region 2 ang insidenteng kumitil sa buhay ng dalawang estudyante na lumahok sa bubble and color fun run ng Cauayan South Central School sa Cauayan City matapos umanong makuryente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng DepEd Region 2, sinabi nito na naatasan ang legal officer ng Schools Division Superintended (SDO) Cauayan City na mag-organisa ng formal investigation committee para sa pagsasagawa ng masinsinang imbestigasyon upang malaman ang puno’t dulo ng naturang insidente.
Tiniyak ni Paragas na posibleng managot ang mga mapatutunayang responsable at may pagkukulang sa pangyayari.
Ayon kay Paragas, dini-discourage nila ang mga kahalintulad na aktibidad sapagkat ito ay nangangailangan ng kontribusyon mula sa mga estudyante o magulang, kailangan din aniyang malinaw sa proposal ng proponent ang lahat ng protocol sa securities at risk management, at dapat ding aprubado ng pamunuan ng paaralan at ang nakakasakop na SDO.
Muli namang susuriin ng kagawaran ang mga umiiral na polisiya sa pagsasagawa ng mga ganitong uri ng aktibidad.
Samantala, nakapagbigay na ng financial at moral assistance ang mismong paaralan at SDO sa pamilya ng mga biktima.
Aniya, bibisitahin din nila ang mga ito para magbigay pa ng karagdagang tulong.
Para naman sa mga estudyanteng nakaranas ng trauma matapos ang insidente, mayroon programa ang Learners Right Proection Office ng SDO na maaaring magbigay ng psychosocial support para sa kanila.











