Sinabi ng kampo ni Vice President Sara Duterte na sasagutin nila sa tamang panahon ang mga isyung may kinalaman sa mga bank deposit at investment insurance na hindi umano naideklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Ayon kay Atty. Michael Poa, patuloy nilang tinatalakay ang mga usapin sa pamamagitan ng cross-examination at maghahain pa sila ng karagdagang paliwanag kapag panahon na para magpresenta ng kanilang mga ebidensya.
Nauna nang iginiit ng prosekusyon na ang hindi pagdedeklara ng umano’y milyun-milyong bank deposits at investment insurance nina Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio sa kanilang mga SALN mula 2022 hanggang 2025 ay maituturing na sadyang pagtatago ng yaman.
Samantala, tumestigo rin ang isang opisyal ng BPI na may mga manager’s check na nagkakahalaga ng P41 milyon at P55 milyon na binili umano gamit ang joint account nina Vice President Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit naman ng depensa na hindi matandaan ng Bise Presidente ang naturang transaksyon at binigyang-diin din na hindi kinakailangan ng pahintulot ng asawa sa pagbili ng investment insurance ayon sa Insurance Code.
Ayon kay Poa, mas detalyado nilang ipaliliwanag ang mga usaping ito kapag sila na ang maglalahad ng kanilang panig sa impeachment trial.











