Hindi na nakapalag ang 22-anyos na suspek na kinilala sa alyas na “Ian,” isang laborer at residente ng Cordon, Isabela, matapos matunton at maaresto ng mga tauhan ng Cordon Municipal Police Station.
Dakong alas-4:30 ng hapon nitong Oktubre 7, 2026 nang ipatupad ng Manhunt Charlie Tracker Team ng Cordon Municipal Police Station ang warrant of arrest laban sa suspek sa Purok 2, Barangay Sagat, Cordon, Isabela.
Ang warrant ay inisyu ng korte noong Setyembre 24, 2026 kaugnay ng kasong statutory rape at walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Ayon kay Isabela Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Manuel Brinas, bunga ng masusing intelligence gathering at validation ang pagkakatunton sa suspek at matagumpay na pagpapatupad ng warrant of arrest.
Binigyang-diin ni Brinas na patuloy na paiigtingin ng pulisya ang manhunt operations laban sa mga wanted person upang matiyak ang pagpapatupad ng mga warrant at maibigay ang nararapat na proseso ng hustisya.
Dinala ang suspek sa Cordon Municipal Police Station para sa booking at documentation bago pormal na i-turn over sa issuing court.











