--Ads--

Nanawagan ang mga kinatawan ng hog industry sa pamahalaan na agad ibalik sa 30 hanggang 40 porsyento ang tariff o buwis sa imported pork products upang matulungan ang lokal na industriya ng baboy na makabangon mula sa patuloy na pagkalugi.

Sa pahayag ni SINAG Chairman Rosendo So, sinabi niya na, umaabot sa lima hanggang walong libong piso ang lugi sa bawat alagang baboy, dahilan upang mangamba silang tuluyang mawala ang mga naipundar ng mga lokal na magbababoy pagsapit ng susunod na taon.

Giit nito, ilang taon nang nalulugi ang sektor, ngunit mas lumala pa ang sitwasyon ngayong 2026 dahil sa mababang presyo ng baboy sa merkado.

Paliwanag niya, pansamantalang ibinaba ang tariff sa mga imported na produkto ilang taon na ang nakalilipas sa layuning mapababa ang presyo ng mga bilihin. Gayunman, ayon sa kanila, hindi naman umano nagresulta sa inaasahang pagbaba ng presyo sa merkado ang naturang hakbang.

--Ads--

Dahil dito, ilang taon na rin umano nilang hinihiling na maibalik sa dating antas ang tariff, subalit nananatiling ipinagpapaliban ang kanilang panawagan habang dumaraan sa pagsusuri ng Tariff Commission at economic team ang usapin.

Samanatala, naglabas din ng saloobin si Ginoong Chester Tan at hinihiling kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglabas na lamang ng agarang executive order upang maibalik ang 30 hanggang 40 porsyentong tariff, sa halip na hintayin pa ang pagtatapos ng taon o ang mga susunod pang taon bago maresolba ang problema.

Bukod dito, iminungkahi rin ang pansamantalang paghihigpit sa pagpasok ng imported pork products, lalo na sa gitna ng pangamba sa posibleng epekto ng El Niño sa lokal na produksyon ng pagkain.

Binigyang-diin ng grupo na mahalagang maprotektahan ang lokal na industriya ng baboy upang matiyak ang patuloy na suplay ng karne at maiwasan ang mas matinding suliranin sa sektor ng paghahayupan.