Kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang umano’y ilegal na pangingisda at pagtatapon ng basura sa dagat ng mga Chinese vessel na namataan sa karagatang sakop ng Kota Island sa Kalayaan, Palawan, kabilang ang isang Chinese maritime militia vessel at 22 sampan.
Ayon sa NTF-WPS, namataan ang mga sasakyang pandagat noong Biyernes, Oktubre 9, kung saan isa sa mga sampan ang lumapit umano hanggang 250 metro mula sa baybayin ng isla.
Nang rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG), kasama ang Philippine Marine Corps at Philippine Navy, pinalibutan umano ng Chinese maritime militia vessel ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Iginiit din umano ng kapitan ng naturang Chinese vessel na teritoryo ng China ang lugar at inutusan ang mga tauhan ng Pilipinas na umalis.
Gayunman, sa pamamagitan ng koordinadong operasyon ng mga puwersang Pilipino, tuluyang umalis ang lahat ng Chinese vessel sa karagatang sakop ng Kota Island.
Binigyang-diin ng NTF-WPS na bahagi ng bayan ng Kalayaan, Palawan ang Kota Island at nasa ilalim ng soberanya ng Pilipinas ang karagatang nakapaligid dito.
Ayon sa task force, labag sa mga batas ng Pilipinas, kabilang ang Philippine Maritime Zones Act at Philippine Fisheries Code, ang ilegal na pangingisda ng mga dayuhang sasakyang pandagat sa naturang lugar.
Ikinabahala rin ng NTF-WPS ang muling pagkakakita sa kaparehong Chinese maritime militia vessel malapit sa isla noong Setyembre 28, kasama ang 24 na sampan.
Tiniyak naman ng task force na patuloy nitong susuportahan ang PCG at iba pang kinauukulang ahensiya sa pagprotekta sa teritoryo at karapatang pandagat ng bansa, gayundin sa pagtugon sa mga panghihimasok sa West Philippine Sea.











