Nagbabala ang pinakamataas na kumander ng NATO sa Russia na wawasakin ng alyansa ang lahat ng puwersa at pasilidad na susuporta sa anumang pag-atake laban sa mga miyembrong bansa nito.
Sa kaniyang talumpati sa Warsaw Security Forum sa Poland nitong Lunes, sinabi ni U.S. Air Force General Alexus Grynkewich, Supreme Allied Commander Europe ng NATO, na pipigilan at dudurugin ng alyansa ang anumang pag-atake upang matiyak na mabibigo ang layunin ng kalaban.
Bagama’t depensibong alyansa ang NATO, iginiit ni Grynkewich na kabilang sa kanilang tugon ang pag-atake hindi lamang sa mga puwersang lumusob kundi pati sa mga sumusuporta at kumokontrol sa mga ito.
Naganap ang babala sa gitna ng tumitinding tensiyon sa pagitan ng Russia at mga bansang Europeo, na nag-aakusa sa Moscow ng pagpapalawak ng mga insidente ng drone intrusion, cyberattack at pananabotahe sa rehiyon.











