Isusumite ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman ngayong Martes ng hapon ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa umano’y pagkakaiba sa deklarasyon ng mga ari-arian ni Vice President Sara Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, isasagawa ang referral sa Ombudsman kasunod ng natuklasan ng mga ahente ng NBI na nagsagawa ng beripikasyon sa Davao City.
Sinabi ni Matibag nitong Lunes na ang isa sa mga ari-arian na idineklara nina Duterte at ng kanyang kapatid na si Davao City Representative Paolo Duterte sa halagang nasa ₱890,000 ay posibleng nagkakahalaga ng hanggang ₱60 milyon.
Gayunman, ang naturang halaga ay batay sa paunang natuklasan ng NBI at hindi pa nangangahulugang may pinal na paglabag na napatunayan laban sa mga Duterte.











