--Ads--

Nakatakdang tumestigo laban kay Senator Jinggoy Estrada si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at iba pang whistleblower kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y kickback scheme sa mga proyekto ng flood control.

Ayon sa prosekusyon nitong Miyerkules, kabilang si Bonoan sa mga ihaharap na testigo sa paglilitis sa kaso ni Estrada.

Nauna nang inalis si Bonoan bilang akusado sa Sandiganbayan Fifth Division matapos hilingin ng Office of the Ombudsman na gawin siyang state witness. Tinutulan naman ito ni Estrada dahil aniya, maaari nitong malimitahan ang kanyang depensa.

Samantala, sinabi ng prosekusyon na maghahain ito ng 21 testigo sa pagdinig sa petisyon para sa piyansa ni Estrada, na nakatakda mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 12, upang patunayang matibay ang ebidensya laban sa senador at sa mga kapwa akusadong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

--Ads--

Kabilang sa mga testigo ang isang opisyal ng Senado, mga opisyal at human resource personnel ng DPWH Central Office, at isang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI).

Dumalo si Estrada sa pretrial nitong Miyerkules sa pamamagitan ng videoconference. Inatasan naman siya ng korte na lagdaan ang pretrial order na naglalaman ng listahan ng mga testigo at ebidensyang ihaharap, habang nasa Quezon City Jail sa Payatas.