--Ads--

Plano ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) na magharap ng limang testigo sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong 2026.

Ayon kay Senior Trial Lawyer Julian Nicholls, inaasahang haharap ang mga testigong kinilala sa code numbers na 1302, 1100, 1400, 1263 at 0009, maliban kung may hindi inaasahang pangyayari.

Iniulat din ni Nicholls na sinuri ng mga analyst ang libo-libong dokumento hinggil sa mga pagkamatay sa operasyon ng pulisya at iba pang kasong may kaugnayan sa kampanya kontra droga.

Batay sa kanilang pagsusuri, nasa 3,422 ang naitalang pagkamatay sa anti-illegal drug operations mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017. Iminungkahi ng prosekusyon na magkasundo ang magkabilang panig sa bilang na humigit-kumulang 3,400.

--Ads--

Binanggit din ni Nicholls ang accomplishment report ng dating Presidential Communications Operations Office na nagtala ng 3,967 pagkamatay sa kaparehong panahon.

Samantala, iginiit ni defense lead counsel Peter Haynes na kailangan pang suriin ng mga abogado ang mga dokumento. Kinuwestiyon din niya ang umano’y paggamit ng artificial intelligence sa pagbubuod ng mga ito.

Itinanggi naman ni Nicholls ang naturang pahayag at iginiit na mano-manong sinuri ng mga analyst at ilang abogado ang mga dokumento.