--Ads--

Nagpahayag ng pag-asang mabilis na gagaling si Pope Leo XIV si United States President Donald Trump matapos kumpirmahin ng Vatican na na-diagnose ang Santo Papa ng lung cancer kasunod ng operasyon sa kaniyang kanang baga.

Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Trump na nais niyang gumaling agad ang Santo Papa at nagpahayag ng kaniyang pagbati para sa mabilis na paggaling nito.

Ayon sa Vatican, sumailalim sa operasyon si Pope Leo, 71-anyos, nitong Martes kung saan tinanggal ang bahagi ng kaniyang kanang baga.

Batay sa pinakahuling ulat ng Vatican, maayos at naaayon sa inaasahan ang paggaling ng Santo Papa matapos ang operasyon. Nagsimula na rin umano itong maglakad sa loob ng kaniyang silid sa ospital at kumain nang normal.

--Ads--

Sa kabila ng pagbati ni Trump, nagkaroon na ng mga hindi pagkakasundo ang dalawa sa ilang usapin, kabilang ang patakaran ng Estados Unidos sa mga imigrante, digmaan sa Iran at mga hakbangin para sa kapayapaan sa Gaza.

Una nang pinuna ni Pope Leo ang pagtrato ng administrasyong Trump sa mga imigrante, habang tinanggihan naman ng Vatican ang pagsali sa inisyatiba ng pangulo na Board of Peace para sa Gaza.

Nauna ring binatikos ni Trump ang Santo Papa sa usapin ng foreign policy at krimen.

Si Pope Leo XIV ang kauna-unahang Amerikanong naging pinuno ng Simbahang Katolika.