--Ads--

Nanawagan si Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III ng maayos na pag-uusap sa pagitan ng mga barangay officials ng Reina Mercedes at ni Vice Mayor Atty. Harold Respicio kaugnay ng isyu sa tobacco excise tax.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na kinausap niya ang magkabilang panig at pinakinggan ang kanilang mga dahilan. Hinikayat niya ang mga ito na mag-usap at magpaliwanagan upang maresolba ang hindi pagkakaunawaan.

Binigyang-diin ng gobernador ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pagkakaisa sa Isabela at pag-iwas sa pagpapairal ng emosyon. Umaasa rin siyang magkakaroon ng kasunduan ang magkabilang panig sa pamamagitan ng mahinahong pag-uusap.

Pinuna rin ni Gov. Albano ang mga pambabatikos at komentong inilalabas sa social media na aniya ay lalo lamang nagpapalala sa sigalot.

--Ads--

Samantala, hinggil sa posibilidad na madagdagan ang financial assistance para sa mga magsasaka, sinabi ni Gov. Albano na nakadepende ito sa pondong nakalaan. Aniya, kung may available na budget ay maaari itong pag-usapan at isaayos.

Dagdag pa niya, nabibigyan naman umano ng buwanang tulong sa mga magsasaka, kabilang ang bigas, at maaaring mapag-aralan ang karagdagang suporta kung may sapat na pondo.