Iginiit ng Federation of Free Farmers (FFF) ang pangangailangan ng mas maagap at konkretong paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang epekto ng Super El Niño, partikular sa suplay ng tubig para sa mga magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng FFF, sinabi niya na bagama’t marami nang inanunsiyong tulong para sa sektor ng agrikultura, kabilang ang fertilizer subsidy, fuel subsidy at cash assistance, hindi pa nasisimulan ang aktuwal na pamamahagi ng mga ito sa mga magsasaka.
Ayon sa kanya, kulang pa ang mga konkretong hakbang ng pamahalaan upang matiyak na maihahatid sa mga nangangailangang magsasaka ang mga ipinangakong tulong.
Binigyang-diin din ni Montemayor na hindi sapat ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mag-ipon ng tubig sa mga balde. Aniya, dapat itong sabayan ng malawakang pagkolekta at pag-iimbak ng tubig-ulan sa pamamagitan ng water impounding structures, solar tube wells at iba pang mapagkukunan ng tubig para sa irigasyon.
Dagdag pa niya, bagama’t may limitasyon ang pamahalaan dahil sa kakulangan sa pondo, dapat pa ring paigtingin ang paghahanda dahil sa inaasahang tindi ng Super El Niño.
Iginiit ni Montemayor na mahalagang magtipid at mag-ipon ng tubig upang matiyak ang sapat na suplay para sa pang-araw-araw na pangangailangan at sa mga sakahan.
Gayunman, ikinababahala niya na tila huli na ang pagkilos ng pamahalaan, gayong marami pa sanang imprastraktura at iba pang paghahanda sa suplay ng tubig ang naisasagawa kung mas maaga itong napagtuunan ng pansin.











