Pinaigting ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang inspeksyon sa mga negosyong nagbebenta ng vape products upang matukoy ang ilegal na kalakalan at matiyak ang pagsunod sa mga batas sa buwis.
Kamakailan ay ininspeksyon ng BIR ang 65 establisimyento sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kung saan natukoy ang 19 na paglabag at nag-isyu ng 18 apprehension slips.
Kabilang sa mga lugar na sakop ng operasyon ang Cagayan Valley, Central Luzon, Laguna, Quezon, Marinduque, Negros Island Region at Cagayan de Oro City.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, pananagutin ang mga negosyong sangkot sa ilegal na bentahan ng vape products at mga paglabag sa umiiral na batas.
Magpapatuloy ang inspeksyon at pagmamanman ng ahensya, lalo na sa nalalapit na holiday season, upang matiyak na sumusunod sa mga regulasyon sa buwis ang mga nagbebenta at distributor ng vape products.










