--Ads--

Umabot na sa 85 hanggang 90 % ang nakumpletong pamamahagi ng social pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 noong ikatlong quarter, habang inihahanda na ang payroll para sa huling quarter ng taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DSWD Region 2 Regional Director Lucia Alan, sinabi niyang tuloy-tuloy ang programa hanggang sa matapos ang taon, bagama’t may ilang lokal na pamahalaan na hindi pa kumukumpleto sa pamamahagi.

Tiniyak din ng ahensya na inaabot ang mga senior citizen sa mga baybaying bayan ng Palanan, Divilacan, Maconacon at Dinapigue, lalo na ang mga bedridden na hindi na kayang lumabas ng kanilang tahanan. Sa tulong ng mga LGU, direktang dinadala sa kanilang bahay ang serbisyo.

Samantala, nagpapatuloy ang validation at revalidation ng mga benepisyaryo kasunod ng pagbabago sa proseso ng pagpili at pagpapalit ng mga tatanggap ng social pension. Ayon kay Alan, masusing sinusuri na ng DSWD Central Office ang mga pangalan, katuwang ang mga LGU at Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA).

--Ads--

Dagdag pa niya, naipasok na sa database ng DSWD Central Office ang mga dating naka-waitlist, habang edad na ang pangunahing batayan sa bagong proseso ng pagpili ng mga benepisyaryo.