--Ads--

Muling haharap si Pope Leo sa mga pilgrim sa Vatican sa pamamagitan ng general audience sa Miyerkules, sa unang pagkakataon matapos sumailalim sa operasyon sa baga dahil sa lung cancer, ayon sa Vatican.

Sumailalim sa operasyon ang 71-anyos na Santo Papa noong Oktubre 13 upang alisin ang ibabang bahagi ng kaniyang kanang baga. Ayon sa kaniyang mga doktor, naging matagumpay ang operasyon at walang naging komplikasyon.

Sa kaniyang unang pampublikong aktibidad matapos ang operasyon noong Linggo, sinabi ni Pope Leo na unti-unti niyang ibabalik ang kaniyang mga karaniwang gawain bilang pinuno ng Simbahang Katolika na may tinatayang 1.4 bilyong miyembro sa buong mundo.

Karaniwang idinaraos tuwing Miyerkules ang general audience ng Santo Papa kasama ang mga pilgrim. Kapag maganda ang panahon, ginaganap ito sa St. Peter’s Square, kung saan madalas niyang ikutin ang mga dumalo sakay ng popemobile.

--Ads--

Na-diagnose si Pope Leo na may lung adenocarcinoma, ang pinakakaraniwang uri ng kanser sa baga. Gayunman, hindi pa inilalabas ng Vatican ang detalye tungkol sa laki ng tumor o kung kumalat na ito sa mga kalapit na lymph node.

Nakatakda ring bumisita ang Santo Papa sa Uruguay, Argentina at Peru mula Nobyembre 6 hanggang 17. Hindi pa malinaw kung matutuloy ang biyahe habang nagpapagaling siya, bagama’t sinabi ng kaniyang lead surgeon na posibleng ganap na siyang gumaling bago ang nakatakdang pagbisita.