--Ads--

Nanawagan ang mga magsasaka ng tabako sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela, ng dagdag na tulong pinansyal upang matugunan ang kanilang mga gastusin sa pagsasaka at masuportahan ang kanilang kabuhayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marilou Paleteng, isang magsasaka ng tabako sa nasabing bayan, umaasa siyang madaragdagan pa ang halagsng  Tobacco 23,000 pesos kada ektarya na kanilang nakukuha mula sa Tobacco excise tax  upang makatulong sa pagbili ng mga kinakailangang materyales, pagbabayad sa mga manggagawa, at iba pang gastusin sa pagtatanim at pag-aani ng tabako.

Aniya, malaking bahagi ng kanilang puhunan ang napupunta sa paghahanda ng lupa, pag-aalaga sa pananim, at pasahod sa mga manggagawa. Dahil dito, nais din nilang masuri ng mga kinauukulan kung paano higit na maiaangkop ang tulong pinansyal sa aktuwal nilang pangangailangan.

Bukod sa sapat na ayuda, iginiit din ang kahalagahan ng pagbibigay ng malinaw na impormasyon sa mga magsasaka hinggil sa pondong inilaan para sa kanila at sa paraan ng pamamahagi nito.

--Ads--

Samantala, isinusulong ni Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio ang pagtataas ng alokasyon para sa direktang tulong pinansyal sa mga magsasaka mula 24 million pesos tungo sa 65 million pesos.

Sa pinakahuling committee hearing na may kaugnayan sa pagpapatupad ng Tobacco Excise Tax Fund, muling hindi dumalo ang alkalde at ilang kinatawan ng lokal na pamahalaan na ipinatawag kaugnay sa naturang usapin.

Ayon kay Respicio, wala pa rin siyang natatanggap na tugon sa kanyang kahilingan para sa mga dokumentong may kaugnayan sa mga proyektong pinondohan mula sa naturang buwis.

Dahil dito, sinabi niyang maaari silang gumamit ng iba pang legal na paraan upang makuha ang mga kinakailangang dokumento.

Sa kabila nito, nananatiling mahalaga para sa mga magsasaka ang pagkakaroon ng malinaw na paliwanag hinggil sa paggamit ng pondo at ang katiyakang maibibigay sa kanila ang tulong na nakalaan para sa kanilang kapakinabangan.

Umaasa ang mga magsasaka na mabibigyang-pansin ang kanilang panawagan para sa dagdag na ayuda at magkakaroon ng konkretong hakbang upang mapagaan ang kanilang gastusin sa pagsasaka, maipagpatuloy ang pagtatanim ng tabako, at masuportahan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.