Nakatakdang humarap sa National Police Commission o NAPOLCOM ngayong Lunes, Oktubre 26, alas-11 ng umaga, ang isang intern ng Philippine College of Criminology o PCCR na nakuhanan ng larawan habang nagmamaneho ng motorsiklo nang walang suot na helmet.
Ayon sa NAPOLCOM, sasamahan ang naturang criminology intern ni PCCR President Lei Bautista upang magpaliwanag sa komisyon kaugnay ng insidente.
Matatandaang nagbabala na si NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan na hindi ipoproseso ang aplikasyon sa pagkapulis at hindi rin pahihintulutang kumuha ng NAPOLCOM examinations ang mga criminology intern na mapatutunayang lumabag sa batas-trapiko.
Binigyang-diin ng komisyon na dapat munang matutong sumunod sa batas ang mga nangangarap na maging tagapagpatupad nito.











