--Ads--

Magpapatuloy ang pagbabantay sa barikada laban sa pagpasok ng mga kagamitan ng North Luzon Mineral Resources Corporation sa Kasibu, Nueva Vizcaya, sa kabila ng Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng korte laban sa ilang indibidwal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bro. Florentino Daynos, lider ng anti-mining group, sinabi nito na na susundin ng mga pinangalanan sa TRO ang kautusan na huwag nang magpakita sa lugar ng barikada, habang ang mga hindi saklaw ng kautusan ang inaasahang magpapatuloy sa pagbabantay.

Ayon kay Daynos, nakatakda pa nilang talakayin kasama ang kanilang mga abogado ang mga susunod na hakbang, kabilang ang posibleng paghahain ng motion for reconsideration upang kuwestiyunin ang kautusan ng korte.

Ipinaliwanag ni Daynos na ang batayan umano ng kanilang pagtutol ay ang resulta ng survey na nagsasaad na pribadong pag-aari ang lugar na kinatatayuan ng barikada. Aniya, gagamitin nila itong ebidensiya sa korte upang patunayan ang kanilang paninindigan na may karapatan ang mga may-ari ng lupa na magpasya kung sino ang maaaring dumaan sa kanilang pag-aari.

--Ads--

Aniya, inaasahan nilang maaaring magkaroon muli ng pag-aresto sakaling ipatupad ang kautusan ng korte. Nananawagan din siya sa mga awtoridad na panatilihin ang kapayapaan at sundin ang mga tamang proseso sa anumang operasyon sa lugar.

Binigyang-diin ni Daynos na hindi nila basta-basta iiwan ang barikada dahil patuloy nilang ipinaglalaban ang karapatan ng mga may-ari ng lupa at ang kanilang pagtutol sa operasyon ng mining company.