Tatlong persons deprived of liberty (PDL) ang nakatakdang ikasal sa kani-kanilang partner sa kauna-unahang kasalang bayan na isasagawa sa loob ng Cauayan City District Jail bukas, Oktubre 30.
Gaganapin ang seremonya sa ganap na alas-9 ng umaga sa pangunguna ni Father Vener Ceperez ng Our Lady of the Pillar Parish Church.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Chief Inspector Susan Encarnacion, sinabi niyang lima ang unang nagpahayag ng intensiyong lumahok sa programa, ngunit dalawa ang hindi na matutuloy sa magkakaibang dahilan.
Isa sa mga magkapareha ang natuklasang may rehistrado nang kasal matapos kumuha ng Certificate of No Marriage (CENOMAR) sa Philippine Statistics Authority (PSA), habang nagpasya naman ang isa pang magkapareha na ipagpaliban muna ang kasal hanggang sa makalaya ang ama ng kanilang anak.
Ayon kay JCINSP. Encarnacion, layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga PDL na maisaayos ang kanilang pagsasama at maipagdiwang ang kanilang pagmamahalan sa kabila ng kanilang kasalukuyang kalagayan.
Nilinaw rin niya na hindi awtomatikong nagbibigay ng karapatan sa conjugal visit ang pagkakaroon ng legal na kasal dahil nakadepende ito sa mga patakaran ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Pinag-aaralan na rin ng pamunuan ang posibilidad na muling magsagawa ng kasalang bayan sa Disyembre o Pebrero upang mabigyan ng pagkakataon ang iba pang PDL na nais magpakasal.











