Inirereklamo ngayon ang isang Barangay Kagawad dahil sa umano’y pambubugbog sa isang 18-anyos na binata sa Barangay District 3, Cauayan City na nagresulta sa pananakit ng dibdib nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Anna Marie Atendido, kapatid ng biktima, sinabi nitong , unang nagsumbong sa kaniya ang kapatid na sinuntok umano ito ng nasabing kagawad matapos magkaroon ng pagtatalo dahil sa umano’y panggugulo nito sa mga taong nasa bilyaran.
Agad naman niyang kinausap ang kagawad upang alamin ang dahilan ng pananakit, kung saan inamin umano nito na sinuntok niya ang binata dahil sa galit.
Gayunman, una umanong sinabi ng kagawad na isang beses lamang niya itong sinuntok at sa likod ang tinamaan.
Nang suriin naman ni Atendido ang CCTV footage, dito niya umano nakita ang aktuwal na pangyayari kung saan paulit-ulit na sinuntok ng kagawad ang kaniyang kapatid.
Tinatayang sampung beses umanong nasuntok ang biktima batay sa kanilang pagsusuri sa kuha ng CCTV.
Dahil sa patuloy na pananakit ng dibdib ng biktima, isinugod ito sa Cauayan District Hospital at dalawang beses na sumailalim sa X-ray examination.
Ayon kay Atendido, hinihintay pa nila ang resulta ng naturang pagsusuri na inaasahang makukuha sa araw ng Martes.
Nagsumite na rin umano sila ng report sa barangay at ipina blotter na ang insidente.
Giit ni Atendido, kahit pa totoong nanggugulo ang kaniyang kapatid sa lugar, hindi umano ito dahilan upang saktan nang ganoon ng isang opisyal ng barangay.
Dahil dito, napagdesisyunan nilang idaan sa tamang proseso ang insidente at magsampa ng kaukulang kaso laban sa kagawad.
Dagdag pa niya, hindi na rin umano ito ang unang pagkakataong nagkaroon ng insidente ng pananakit sa naturang lugar, bagama’t iginiit niyang naiiba ang sinapit ng kaniyang kapatid.
Samanatala, handang tumestigo ang isang saksi sa insidente ng umano’y pananakit ng isang barangay kagawad sa isang 18-anyos na binata sa District 3, Cauayan City, matapos masaksihan ang naging komosyon sa loob mismo ng bilyaran.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa saksi na si Alyas Jaja sinabi nitong nagsimula ang insidente nang makipag-inuman ang biktima sa ilang kakilala nito na naglalaro rin ng bilyar.
Ayon sa saksi, nang malasing ang binata ay nagsimula umano itong mangulit at manggulo sa mga naglalaro ng bilyar, kabilang ang tatlong magkakapatid na regular na kostumer ng kanilang establisyimento.
Ilang beses umano nitong sinabihan ang binata na umuwi na lamang dahil sa pagmumura at pang-iistorbo nito sa ibang kostumer, subalit hindi ito nakinig at lumipat pa sa ibang mesa upang manggulo.
Dagdag pa ng saksi, umabot sa puntong nainis na rin ang ilan sa mga nagbibilyar dahil sa patuloy na pagmumura at umano’y pagbabanta ng binata na wala siyang kinatatakutan kahit makapatay pa siya.
Dahil dito, tinawag na niya ang barangay kagawad upang tulungang pauwiin ang binata.
Gayunman, hindi umano agad ito sumunod hanggang sa nauwi sa pananakit ang sitwasyon.
Ayon sa saksi, personal niyang nakita na sinuntok ng kagawad ang binata.
Sinubukan pa umano niyang awatin ang kagawad at pinakiusapan ang kaniyang pinsan na ihatid na lamang palabas ng establisyimento ang binata upang hindi na lumala ang komosyon.
Matapos ang insidente, nagtungo sa kanilang lugar ang ate ng biktima upang hingin at masuri ang CCTV footage.
Sinabi ng saksi na handa siyang tumestigo sakaling ituloy ng pamilya ng biktima ang pagsasampa ng kaso, kasama ang iba pang nakasaksi sa pangyayari.
Iginiit din niyang nais lamang nilang maipahayag ang kanilang panig bilang mga taong personal na nakakita sa nangyari, lalo’t may mga detalye umano sa insidente na hindi malinaw na nakuhanan ng CCTV dahil sa limitadong anggulo nito at mahinang internet.
Samantala, nanawagan ang saksi sa magkabilang panig na magsabi ng totoo at hayaang manaig ang tamang proseso sa pagresolba ng insidente.











