--Ads--

Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng nasawing barangay kagawad ng Malibago, Echague, Isabela na pinagbabaril sa kaniyang farm nitong umaga ng Hulyo 17.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan ay Ginoong Luther Publico, nakatatandang kapatid ng biktima, sinabi niya palaisipan sa kanila kung sino ang nasa likod ng naturang pamamaril dahil wala naman silang alam na kaalitan ng biktima.

Mahigit isang dekadang naglingkod sa bayan ang kaniyang kapatid bilang punong barangay at kagawad at aniya, mabait umano ito at matulungin sa kapwa.

Ayon kay Publico, wala nang balak tumakbo sa susunod na halalan ang kaniyang kapatid dahil batay sa kanilang pag-uusap, matanda na rin umano ito kaya pagtutuunan na lamang nito ng pansin ang kaniyang farm.

--Ads--

Aniya, may limang kasama ang biktima sa kaniyang farm bago nangyari ang pamamaril, gayunman, tatlo sa mga ito ay inutusan niyang kumuha ng makina ng water pump habang ang dalawa naman ay nasa likod na bahagi ng farm kaya hindi nila nasaksihan ang pangyayari.

Nagtamo umano ng limang tama ng baril sa katawan ang biktima na naging sanhi ng kaniyang pamamaril.

May nakakita naman umano sa mga salarin na nakasakay ng motorsiklo palayo ng crime scene, may kalayuan na umano ang mga ito kaya hindi na rin matukoy ang kanilang pagkakakilanlan lalo’t wala ring CCTV Camera sa lugar.

Sa ngayon ay ipinauubaya na lamang niya ang imbestigasyon sa mga awtoridad at umaasa na makonsensya ang mga nasa likod ng krimen.