Sugatan ang isang 15-anyos na estudyante matapos saksakin sa leeg ng isang 30-anyos na lalaki sa harap ng isang sari-sari store sa Purok 6, Barangay Zamora, Cabarroguis, Quirino, bandang alas-10:30 ng gabi noong Oktubre 30, 2026.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Prince,” residente ng Barangay San Benigno, Aglipay, Quirino, habang ang suspek ay residente ng barangay Zamora.
Batay sa imbestigasyon ng Cabarroguis Police Station, nakaupo ang biktima sa harap ng tindahan nang dumating ang suspek sakay ng isang violet na Honda Click motorcycle at komprontahin siya.
Maya-maya, bumunot umano ng patalim ang suspek at sinaksak sa leeg ang binatilyo bago mabilis na tumakas patungo sa Barangay Gundaway.
Agad namang isinugod sa Quirino Provincial Medical Center ang biktima ng mga mobile patroller ng Cabarroguis Police Station upang mabigyan ng agarang lunas.
Nagsagawa rin ng hot pursuit operation ang mga rumespondeng pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa kanyang bahay.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang ginamit umanong patalim at motorsiklo na ginamit sa pagtakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.











