--Ads--

Naaresto ang isang 53-anyos na lalaki na kabilang sa Most Wanted Persons sa kasong qualified rape of a minor matapos isilbi ng mga operatiba ng Burgos Municipal Police Station ang warrant of arrest laban sa kanya noong Nobyembre 3, 2026, sa Isabela Provincial Jail sa City of Ilagan.

Kinilala ang akusado sa alyas na “June,” isang may-asawang magsasaka at residente ng Barangay Dalig, Burgos, Isabela.

Batay sa ulat, ipinagkatiwala umano ng mga magulang ang biktima sa pangangalaga ng kanyang tiyahin at asawa nito noong apat na taong gulang pa lamang siya, habang nagtatrabaho sa ibang bansa ang kanyang ina.

Gayunman, inakusahan ang suspek ng paulit-ulit na pang-aabusong seksuwal sa biktima mula Agosto 2024 hanggang Abril 2025. Binantaan din umano nito ang biktima na papatayin kapag nagsumbong sa nangyari.

--Ads--

Dahil dito, isinampa laban sa akusado ang kasong qualified rape of a minor, kung saan walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya nito.

Isinagawa ang pag-aresto ng mga tauhan ng Burgos MPS sa bisa ng warrant na nakapaloob din sa Enhanced E-Warrant System.

Sa kasalukuyan, nananatili sa kustodiya ng Isabela Provincial Jail ang akusado habang hinihintay ang kaukulang turnover sa korteng naglabas ng warrant.