Natagpuan ang bangkay ng isang 21-anyos na babae sa ilog sa Barangay Cabannungan 2nd, Ilagan City, Isabela ngayong Nobyembre 4.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Rogelio Maur ng nasabing barangay, sinabi nitong dakong alas-singko ng hapon nang makatanggap siya ng tawag mula sa isang mangingisda na nakakita sa bangkay.
Noong una, inakala umano ng mangingisda na mannequin lamang ang nakita nito sa ilog, subalit nang lapitan ay napag-alamang bangkay pala ito ng isang babae.
Agad namang nagtungo sa lugar si Maur at iniulat ang insidente sa pulisya.
Kasama ng mga rumespondeng pulis ang live-in partner ng biktima na siyang kumumpirma sa pagkakakilanlan nito.
Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Samantala, nitong umaga ng Miyerkules, nagtungo sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang mga kaanak ng biktima upang ipanawagan ang pagkawala nito.











