Matagumpay na naisilbi ng mga tauhan ng Isabela Police Provincial Office ang warrant of arrest laban sa isang 70-anyos na dating lider ng Communist Terrorist Group (CTG) na nahaharap sa kasong murder sa Isabela Provincial Jail sa Barangay Alibagu, Ilagan City.
Kinilala ang akusado sa alyas na “Pedro,” residente ng Barangay Taguing, Baggao, Cagayan at kabilang sa talaan ng Provincial Special Regional Task Group (PSRTG).
Isinilbi ang warrant ng Manhunt Charlie Tracker Team ng Gamu Municipal Police Station dakong alas-1:00 ng hapon noong Nobyembre 7. Inilabas ang warrant noong Agosto 1, 2007 kaugnay ng kasong murder na walang inirekomendang piyansa.
Matapos maisilbi ang warrant, nanatili sa kustodiya ng Isabela Provincial Jail ang akusado habang hinihintay ang kanyang turnover sa hukuman na naglabas ng warrant para sa kaukulang proseso ng batas.











