Walang inaasahang pagbabago sa presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa Cauayan City sa kabila ng malaking rollback sa presyo ng gasolina at diesel bukas, araw ng Martes, Nobyembre 10.
Ayon kay LPG dealer Robinson Calderon, wala pa silang natatanggap na abiso mula sa kanilang supplier hinggil sa posibleng pagbaba ng presyo.
Ipinaliwanag ni Calderon na lingguhan ang price adjustment sa gasolina at diesel, samantalang buwanan naman sa LPG na nakabatay sa international contract price, palitan ng piso kontra dolyar at iba pang gastos sa importasyon.
Dahil dito, hindi awtomatikong sumusunod ang presyo ng LPG sa pagbaba ng presyo ng iba pang produktong petrolyo.
Patuloy naman nilang hinihintay ang abiso ng supplier kung magkakaroon ng pagbabago sa presyo sa susunod na buwan.










