Bumilis ang paglago ng manufacturing output ng Pilipinas noong Hunyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bunsod ng pagtaas ng produksyon ng petroleum products, pagkain at transport equipment.
Batay sa Monthly Integrated Survey of Selected Industries ng PSA, umakyat sa 10.1% ang year-on-year growth ng Volume of Production Index (VoPI) noong Hunyo, mula sa 9.1% noong Mayo. Mas mataas din ito kumpara sa 2.3% growth na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Pinakamalaki ang naging ambag ng produksyon ng coke at refined petroleum products, na tumaas ng 84.5% mula sa 73.3% noong Mayo.
Bumilis din ang food production na lumago ng 3.9%, mula sa halos zero growth o 0.02% noong nakaraang buwan. Samantala, umakyat sa 4.9% ang produksyon ng transport equipment matapos makapagtala ng 0.5% contraction noong Mayo.
Sa iba pang industriya, 12 sa natitirang 19 industry divisions ang nakapagtala rin ng pagtaas ng produksyon, kabilang ang computer and electronic products, basic metals, furniture, rubber and plastic products, pharmaceuticals, tobacco, electrical equipment, textiles at garments.










