Nananatiling nasa isang pribadong pagamutan ang isang 67-anyos na pedestrian matapos mabangga ng kulong-kulong sa Barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela, nitong madaling araw ng Miyerkules, Nobyembre 11.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling araw sa kahabaan ng national highway, sa tapat ng isang gasolinahan malapit sa isang lodge.
Sangkot sa aksidente ang kulong-kulong na minamaneho ng isang 36-anyos na lalaki na patungo sana sa pampublikong pamilihan upang maghatid ng mais.
Sa paunang imbestigasyon, bigla umanong tumawid ang pedestrian habang may hawak na isang sealed bottle, dahilan upang mabangga ito ng paparating na motorsiklo.
Nagtamo ng mga pinsala sa ulo at katawan ang biktima at agad na dinala ng mga rescue personnel sa pagamutan, kung saan sumailalim pa umano ito sa operasyon.
Samantala, dinala sa himpilan ng pulisya ang driver at ang sangkot na kulong-kulong para sa karagdagang imbestigasyon.
Nabatid na walang maipakitang lisensya sa pagmamaneho ang driver at nananatili sa kustodiya ng pulisya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.











