Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higit pang mapabuti ang mga pangunahing serbisyo, tugunan ang kakulangan sa imprastruktura, at palawakin ang access sa edukasyon at social protection programs bago matapos ang kanyang termino.
Ito ang naging sentro ng ika-12 pulong ng Economy and Development Council na pinangunahan ng Pangulo sa Malacañang. Tinalakay ng mga opisyal ang mga prayoridad na proyekto at polisiya upang matugunan ang pangangailangan ng bansa.
Kabilang sa mga tinalakay ang rehabilitasyon ng Agus-Pulangi hydropower facilities sa Mindanao upang mapatatag ang suplay ng kuryente at mapalakas ang energy security sa rehiyon.
Pinag-usapan din ang pagkumpleto sa mga natitirang pumping station ng Metro Manila Flood Management Project upang mapahusay ang drainage system at mabawasan ang pagbaha sa mga komunidad.
Sa sektor ng transportasyon, tinalakay ang mga mungkahing pagbabago sa Samal Island-Davao City Connector Project upang mapabilis ang biyahe at transportasyon ng mga pasahero at kargamento sa pagitan ng Samal Island at Davao City.
Kasama rin sa agenda ang Project Balay na magbibigay ng ligtas at abot-kayang dormitoryo sa mga estudyante ng limang state universities and colleges, partikular sa mga benepisyaryo ng 4Ps at iba pang nangangailangan ng tulong.











