--Ads--

Nagtungo sa Camp Bagong Diwa ang mga kaanak at tagasuporta ng mga raliyistang inaresto sa isinagawang kilos-protesta nitong Linggo upang alamin ang kanilang kalagayan at humiling ng agarang pagpapalaya.

Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, nasa 230 indibidwal ang nananatiling nakakulong sa kampo matapos ang malawakang pag-aresto sa mga grupong patungo sana sa Liwasang Bonifacio sa Maynila upang ipahayag ang pagtutol sa Pax Silica initiative at iba pang isyu.

Ikinabahala naman ng mga volunteer lawyer mula sa National Union of People’s Lawyers ang umano’y pagkaantala sa pagbibigay sa mga inaresto ng access sa kanilang mga abogado, pamilya, pagkain at tubig.

May ilan din umanong nasugatan sa insidente at kinailangang sumailalim sa agarang medical examination, kabilang ang mga nangangailangan ng X-ray dahil sa posibleng bali.

--Ads--

Samantala, nasa 20 menor de edad na kabilang sa mga naaresto ang ipinasa na sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at dinala sa isang Bahay Pag-Asa facility.

Patuloy namang nananawagan ang mga grupo sa pagpapalaya sa mga detenido at iginiit na karapatan ng mamamayan ang mapayapang pagsasagawa ng kilos-protesta.