Pansamantalang sinuspinde ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang ₱1 milyong enhanced due diligence (EDD) requirement sa malalaking cash payout upang maiwasan ang pagkaantala ng mga transaksiyon ngayong kapaskuhan.
Sa ilalim ng Memorandum No. M-2026-50 na inilabas ni BSP Governor Eli Remolona Jr., epektibo ang suspensiyon mula Nobyembre 13 hanggang Enero 31, 2027.
Nangangahulugan ito na hindi na awtomatikong sasailalim sa masusing pagsusuri ng mga bangko ang mga cash payout na lampas ₱1 milyon.
Gayunman, kailangan pa ring sundin ng mga institusyong pinangangasiwaan ng BSP ang mga umiiral na patakaran laban sa money laundering at pagpopondo sa terorismo.
Patuloy ding inaatasan ang mga bangko na bantayan ang mga kahina-hinalang transaksiyon at magsumite ng kaukulang ulat kung kinakailangan.
Layunin ng hakbang na mapabilis ang mga lehitimong transaksiyon at matugunan ang pangangailangan ng publiko sa salapi sa panahon ng kapaskuhan.











