Posibleng muling lumakas ang impluwensiya ng mga separatistang grupo sa katimugang bahagi ng Yemen kasunod ng pagsulong ng Houthi rebels patungo sa lungsod ng Aden, ang pansamantalang kabisera ng pamahalaan ng bansa.
Ayon sa ulat ng Al Jazeera, nasa 60 kilometro na lamang ang layo ng mga Houthi, na kilala rin bilang Ansar Allah, mula sa Aden, dahilan upang kumilos ang mga grupong kaalyado ng Southern Transitional Council o STC upang ipagtanggol ang lungsod.
Layunin ng STC na maibalik ang isang malayang estado sa katimugang Yemen. Bagama’t inanunsyo ang pagbuwag sa grupo sa simula ng taon matapos ang kampanya ng puwersang suportado ng Saudi Arabia, kinuwestiyon naman ito ng ilang matataas na opisyal ng organisasyon.
Ayon kay Amr al-Bidh, kinatawan ng pangulo ng STC, handa silang gamitin ang kanilang kakayahan upang pigilan ang pagsulong ng mga Houthi, subalit kailangan umano nilang magkaroon ng kalayaan sa pagpapasya sa operasyon ng kanilang mga puwersa.
Naniniwala rin ang ilang analyst na maaari pa ring maging mahalagang puwersa ang STC laban sa mga Houthi dahil sa kanilang suporta sa katimugang Yemen at kakayahang militar.
Gayunman, nananatiling hati ang grupo sa usaping pampulitika at umaasa ang ilang bahagi nito sa suportang pinansyal ng Saudi Arabia.











