Inako ng grupong Houthi sa Yemen ang pag-atake gamit ang mga missile at drone sa ilang sensitibong lugar sa Riyadh, Saudi Arabia, ilang oras matapos makita ang makapal na usok at apoy malapit sa pangunahing paliparan ng kabisera.
Ayon sa mga Houthi, target ng kanilang operasyon ang ilang mahalagang pasilidad sa Riyadh at isang pasilidad ng Aramco sa lungsod ng Yanbu, isang pangunahing sentro ng pagluwas ng langis ng Saudi Arabia.
Sinabi ng grupo na isinagawa nila ang pag-atake bilang tugon sa isang pag-atake sa kabisera ng Yemen na Sanaa.
Samantala, inihayag ng military coalition na pinamumunuan ng Saudi Arabia na napabagsak ng kanilang air defense system ang isang missile na pinakawalan patungong Riyadh.
Sinabi rin ng coalition na napigilan nila ang iba pang pag-atake na umano’y nakatuon sa mga sibilyan at pasilidad sa mga lungsod ng Bish, Farasan, Taif at Yanbu.
Bago ang insidente, nagpalabas ang Saudi civil defense ng alerto sa mga residente ng Riyadh at Al-Kharj kaugnay ng posibleng banta mula sa himpapawid, bago rin ito binawi makalipas ang ilang oras.
Patuloy ang paglala ng tensyon sa pagitan ng Saudi Arabia at ng grupong Houthi mula noong Hulyo, kung saan sunod-sunod na ang mga pag-atake sa mga lungsod, imprastraktura ng enerhiya at mga rutang pandagat ng kaharian.
Dahil dito, nanawagan ang US State Department sa mga mamamayang Amerikano sa Gitnang Silangan na maging mas maingat at pag-isipang mabuti ang paglalakbay sa rehiyon habang nagpapatuloy ang kaguluhan.










