Mariing pinabulaanan ng mga lider ng Kamara ang alegasyong may niluluto umanong ”No Election” o No-El sa 2028 upang mapalawig ang termino ng mga kasalukuyang opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay La Union 1st District Rep. at Deputy Speaker Paolo Ortega V, nananatiling nakatuon ang Kamara sa ilalim ng liderato ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa pagpapanatili ng Konstitusyon at paggalang sa demokratikong karapatan ng mga Pilipino na pumili ng kanilang mga lider sa pamamagitan ng halalan.
Ang pahayag ay tugon sa alegasyon ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, na umano’y may mga kongresistang nagsasagawa ng mga pagpupulong kaugnay ng planong No-El at paglipat sa parliamentary form of government.
Hinamon naman ni Ortega ang kampo ng Bise Presidente na maglabas ng ebidensya at pangalanan ang mga mambabatas na sinasabing sangkot sa naturang plano.
Aniya, hindi dapat basta magbato ng mabibigat na paratang nang walang sapat na batayan dahil nagdudulot ito ng kalituhan at pangamba sa publiko.
Samantala, iginiit nina Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na maaaring bahagi lamang ng diversionary tactic ang naturang alegasyon kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Duterte. Anila, mas makabubuting tugunan ang mga isyung ibinabato sa Bise Presidente kaysa magpalutang ng mga walang patunay na akusasyon.
Para naman kay House Senior Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Rep. Ferdinand Hernandez, pawang kasinungalingan at bunga lamang ng “maruming imahinasyon” ang mga pahayag ni Panelo.











