Hindi na makakasama sa Gilas Pilipinas ang Filipino basketball player na si Rhenz Abando sa ikalimang window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers matapos magtamo ng injury sa kanang bukung-bukong.
Nangyari ang insidente sa laban ng kaniyang koponang Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters kontra Busan KCC Egis sa Korean Basketball League nitong Huwebes.
Sa huling 26.2 segundo ng second quarter, aksidenteng natapakan ni Abando ang paa ng kaniyang kakamping si Rashawn Thomas habang naghahanda itong magpasa ng bola.
Dahil sa naramdamang sakit, inalalayan siya ng kaniyang mga kakampi palabas ng court at hindi na nakabalik sa laro. Bago ma-injure, nagtala siya ng anim na puntos at dalawang rebounds.
Dahil dito, inanunsyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na hindi na makakasama si Abando sa national team para sa susunod na window ng qualifiers.
Papalitan siya ni Troy Rosario na kukumpleto sa 12-man lineup ng Gilas Pilipinas.
Nakatakdang makaharap ng Gilas ang Syria sa Nobyembre 27 at Iran sa Nobyembre 29 sa Seremban, Malaysia.
Inaasahan sanang magbabalik si Abando sa national team matapos ang tatlong taong pagkawala mula nang huli siyang maglaro para sa Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup.











