Inaasahang aabot sa apat na milyon ang madadagdag sa bilang ng mga rehistradong botante para sa 2028 national and local elections, kasunod ng mas mataas na bilang ng mga aplikanteng nagpaparehistro sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, una nilang target na makapagtala ng tatlong milyong bagong botante, subalit posibleng lumampas ito dahil sa mataas na turnout mula nang magsimula ang voter registration noong Nobyembre 10.
Nasa halos 40,000 aplikante ang naitala sa unang araw pa lamang, habang umabot na sa 140,000 hanggang 150,000 ang kabuuang bilang ng mga nagparehistro mula nang buksan ang registration period.
Magpapatuloy ang voter registration hanggang Hulyo 30, 2027, kung saan nagsasagawa ang Comelec ng regular at satellite registration sa iba’t ibang komunidad.
Ipinatutupad din ng poll body ang Special Register Anywhere Program o SRAP, na nagbibigay-daan sa mga kwalipikadong aplikante na magparehistro kahit wala sila sa kanilang sariling bayan. Dinadala rin ang serbisyo sa mga shopping mall upang mas mapadali ang proseso.
Samantala, nilinaw ni Garcia na walang posibilidad na maipagpaliban ang 2028 elections dahil nakasaad sa Konstitusyon ang pagsasagawa nito sa naturang taon.
Tiniyak ng Comelec chief na tuloy ang paghahanda ng ahensya, kabilang ang paglalaan ng pondo, paghahanda sa automated election system at nakatakdang paghahain ng certificates of candidacy mula Setyembre 20 hanggang 26, 2027.
Inaasahan ding mangangailangan ang Comelec ng 135,000 hanggang 240,000 vote-counting machines sa buong bansa. Nasa halos ₱23 bilyon ang inilaan para sa renta ng mga makina, habang target namang makumpleto ang procurement at posibleng paggawad ng kontrata bago matapos ang Disyembre.
Nagsasagawa rin ang Comelec ng magkakahiwalay na procurement para sa internet voting at transmission ng resulta ng halalan.
Samantala, nagpapatuloy din ang overseas voter registration para sa mga Pilipinong nasa ibang bansa hanggang Setyembre 30, 2027.











