Aabot pa sa mahigit 13,000 benepisyaryo ng second batch ng UPLIFT Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang cash assistance.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan, sinabi nitong 18,666 na sa kabuuang 31,896 benepisyaryo ang nabigyan na ng ayuda.
Target ng ahensya na matapos ang payout sa Nobyembre 30, 2026 upang makamit ang 100 porsiyentong distribusyon ng tulong.
Nilinaw naman ni Alan na hindi agad inaalis sa master list ang mga hindi nakadalo sa unang payout dahil binibigyan pa sila ng dalawa hanggang tatlong pagkakataon at nagsasagawa rin ng follow-up sa tulong ng mga LGU at barangay.
Gayunman, maaari nang hindi maibigay ang assistance kung paulit-ulit na hindi ito makuha ng benepisyaryo sa kabila ng mga abiso, alinsunod sa itinakdang panahon ng programa.
Binigyang-diin din niyang ang mismong benepisyaryong nakapangalan sa payroll, batay sa datos ng Community-Based Monitoring System (CBMS), ang dapat personal na kumuha ng ayuda at hindi maaaring magpadala ng ibang miyembro ng pamilya bilang kapalit.
May konsiderasyon naman para sa mga hindi makadalo dahil sa emergency, gaya ng pagkakaospital, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa barangay officials at social workers.
Dahil dito, hinimok ni Alan ang mga benepisyaryo na alamin at sundin ang kanilang iskedyul ng payout upang matanggap ang ayuda bago ang itinakdang deadline.











