--Ads--

Arestado ang apat na indibidwal dahil sa umano’y pagkakasangkot sa dalawang insidenteng may kaugnayan sa bomba na naganap bago ang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo.

Ayon kay Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief PMGen. Robert Morico II, kakasuhan ang mga naaresto sa ilalim ng Anti-Terrorism Act.

Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa itinuturong mastermind at ilan pang umano’y kasabwat sa naturang mga insidente.

Matatandaang noong Hulyo 27, sumabog ang isang gawang-bahay na bomba malapit sa entrance ng Department of Justice compound. Ilang oras matapos nito, natagpuan naman ang isa pang hinihinalang hindi sumabog na bomba malapit sa Senado.

--Ads--

Walang naiulat na nasaktan sa unang pagsabog na naganap ilang oras bago ang taunang SONA ng Pangulo.

Una nang sinabi ng pulisya na malaki ang posibilidad na magkaugnay ang dalawang insidente.