--Ads--

Nasawi ang isang hindi pa nakikilalang lalaking rider matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa isang pader sa Barangay Turayong, Cauayan City, Isabela.

Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, naganap ang aksidente kaninang alas-2:30 ng madaling araw ngayong Miyerkules, Nobyembre 25, sa bahagi ng kalsada malapit sa Cauayan National High School.

Kinasangkutan ito ng isang Honda XRM 125 motorcyle na minamaneho ng biktima.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng rider ang pasilangang direksiyon patungong Barangay District 3 nang mawalan umano ito ng kontrol sa motorsiklo habang tinatahak ang pababang bahagi ng kalsada.

--Ads--

Dahil dito, sumalpok ito sa isang konkretong pader sa gilid ng kalsada na naging dahilan ng pagtamo nito ng matinding pinsala sa ulo kaya agad na rumesponde ang mga tauhan ng Rescue 922.

Gayunman, wala na umano itong malay at hindi na rin makapa ang pulso nang suriin ng mga rescuer.

Isinugod pa ito sa Cauayan Adventist Hospital ngunit idineklara nang dead on arrival ng attending physician.

Samantala, kabilang sa mga natukoy na kondisyon sa lugar ang kawalan ng streetlights at ang basa at madulas na kalsada bunsod ng malakas na pag-ulan nang mangyari ang aksidente.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang iba pang detalye ng insidente.