Nangako ang Department of Justice (DOJ) na pabibilisin ang proseso ng pagpapalaya sa mga kwalipikadong persons deprived of liberty (PDLs) na edad 70 pataas upang makatulong sa pagpapaluwag ng mga kulungan.
Ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, tatalakayin sa Disyembre 7 ng Office of the President at DOJ ang mga nakabinbing aplikasyon at hakbang upang mapabilis ang pagbibigay ng executive clemency.
Kasunod ito ng panawagan ni Sen. Imee Marcos na agad palayain ang mga matatandang bilanggo na matagal nang nagsisilbi ng kanilang sentensiya at kuwalipikado nang mapagkalooban ng executive clemency.
Binanggit ni Marcos na may ilang matatandang PDL na mahigit 10 hanggang 22 taon nang nakakulong, kabilang ang mga may malubhang karamdaman at hindi na kayang mamuhay nang mag-isa.
Samantala, sinabi ni Pangilinan na dumami na ang bilang ng mga napapalaya mula sa kulungan, ngunit kailangan pa ring pabilisin ang proseso upang matugunan ang problema sa jail congestion.











