Hindi bababa sa 30 katao ang nasawi habang 15 iba pa ang nasugatan matapos tumaob at masunog ang isang sasakyang may kargang produktong petrolyo sa isang pangunahing expressway sa Greater Cairo, Egypt.
Ayon sa Egyptian Ministry of Health, naganap ang sunog sa ibabaw ng isang tunnel sa Warraq District ng Imbaba, Giza nitong Miyerkules.
Batay sa ulat, nawalan umano ng kontrol ang truck at bumangga sa center island bago ito tumaob at sumabog.
Nadamay din sa sunog ang ilang sasakyan at isang minibus na nasa lugar. Agad namang naapula ang apoy.
Nagpadala ang health ministry ng 39 na ambulansya upang rumesponde sa insidente at dalhin sa mga kalapit na ospital ang mga sugatan.
Samantala, nagpahayag ng pakikiramay si Egyptian Prime Minister Mostafa Madbouly sa mga pamilya ng mga nasawi at iniutos na sagutin ng pamahalaan ang gastusing medikal ng mga nasugatan.
Patuloy namang minomonitor ng Ministry of Health ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kinakailangang tulong medikal sa mga biktima.










