Umarangkada sa finals ng 2026-2027 Premier Volleyball League (PVL) Siklab Series ang Farm Fresh matapos talunin ang top-seed Nxled sa limang sets, sa Game 2 ng semifinals nitong Huwebes sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ito ang kauna-unahang finals appearance ng Foxies sa liga matapos malampasan ang twice-to-win advantage ng Nxled.
Nanganganib pang masayang ang pagkakataon ng Farm Fresh matapos makabawi ang Nxled mula sa dalawang set na pagkakaiwan. Gayunman, nanaig ang Foxies sa deciding fifth set upang masiguro ang panalo matapos ang dalawang oras at 38 minutong laro.
Nanguna sa Farm Fresh si Ces Molina na may 19 puntos, sinundan ni Royse Tubino na may 16 at Trisha Tubu na may 15 puntos.
Samantala, si Alohi Robins-Hardy, na nagtala ng 27 excellent sets at kinilalang Player of the Game, ay inanunsiyo ring magreretiro na sa professional volleyball pagkatapos ng finals.
Makakaharap ng Farm Fresh sa finals ang Creamline Cool Smashers para sa kanilang kauna-unahang pagkakataong maglaban para sa kampeonato.
Samantala, nagtapos ang kampanya ng Nxled sa kabila ng malinis na 8-0 record nito sa elimination round.











