Natukoy na ng pamahalaan ang lokasyon ng mga indibidwal na umano’y nag-recruit at nagpadala ng ilang Pilipino sa Russia kapalit ng pangakong trabaho bilang mga cleaner, ngunit kalaunan ay isasabak umano sa serbisyong militar sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan.
Kasunod ito ng pagkalat sa social media ng video ng ilang Pilipino sa Russia na humihingi ng tulong sa pamahalaan upang makauwi sa bansa matapos umano silang malinlang ng kanilang recruiter.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, agad na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na alamin ang kalagayan ng mga Pilipino at tiyaking matutulungan silang makabalik sa bansa sa lalong madaling panahon.
Sinabi ni Castro na nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers sa Department of Foreign Affairs, Department of National Defense at National Bureau of Investigation upang matugunan ang sitwasyon ng mga biktima.
Bagama’t natukoy na ang lokasyon ng mga umano’y illegal recruiter, hindi muna ito maaaring isapubliko dahil sa sensitibong operasyon na isinasagawa upang matulungan ang mga Pilipino.
Samantala, ibinahagi rin ni Castro na nagsagawa na ng ilang entrapment operation ang mga awtoridad nitong mga nakaraang buwan.
Sa kasalukuyan, lima na ang sinampahan ng kaso sa Department of Justice kaugnay ng ilegal na pagrerekrut sa mga Pilipino na pinangakuan umano ng trabaho bilang mga cleaner ngunit pagdating sa kanilang destinasyon ay isasabak pala sa gawaing militar.











