Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Abra Police Provincial Office sa pagkasunog ng voting center sa isang barangay ng Bangued Abra kahapon ng madaling araw.
Nasunog ang isang voting center sa Brgy. Dangdangla, Bangued, Abra nitong madaling araw ng Miyerkules, ilang araw bago ang 2025 Midterm Elections.
Base sa ulat ng Commission on Elections COMELEC, 70% ng Dangdangla Elementary School ang tinupok ng apoy.
Dahil dito, kanselado muna ang final testing at sealing sa naturang lugar.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Daniel Pel-ey, PCADU Chief ng Abra Police Provincial Office, sinabi niya na batay sa mga residenteng nakasaksi, alas tres trenta ng madaling araw nang mapansin ng mga residente ang nasusunog na eskwelahan kaya agad silang nakipag-ugnayan sa punong barangay na siyang tumawag ng bumbero.
Agad namang nakaresponde ang Bangued Fire Station at alas kwatro trenta nang ideklarang fire-out ang sunog.
Sa pag-iimbestiga ng mga kapulisan sa lugar katuwang ang BFP, nagmula ang sunog sa Principal’s Office hanggang umabot sa classrooms ng Grade 1, 2 at 4 na pawang totally damaged habang partially damaged naman ang kindergarten, Grade 5 at Grade 6 classrooms.
Laking pasasalamat naman nila dahil may tatlong classroom na hindi nadamay sa sunog.
Para sa mas malalim na imbestigasyon ay kumolekta na ng soil samples ang mga bumbero sa pinangyarihan ng sunog na ipapadala sa National Headquarters ng BFP para isailalim sa pagsusuri sa naging sanhi ng sunog.
Nilinaw naman niya na wala silang kinalaman sa insidente kasunod ng pinalutang sa Facebook livestream ng isang Punong Barangay na umano’y sangkot ang kapulisan sa pagkasunog ng eskwelahan.
Kinumpirma rin niya na hindi isasailalim ang lalawigan ng Abra sa COMELEC control, dahil ang lugar na pinangyarihan ng insidente ay may botanteng hindi hihigit sa isang libo, kumpara sa mahigit 35,000 na botante sa kabisera ng lalawigan.
Base sa datos ng COMELEC, may 35,227 registered voters at 24 voting centers sa Bangued.
Nanindigan naman ang Comelec na hindi ililipat ang botohan kahit na nasunog ang Dangdangla Elementary School sa Bangued, Abra. Ayon kay COMELEC chairperson George Garcia, handa silang magtayo ng makeshift polling place sa lugar at dadagdagan din umano ang security personnel doon.
Pag-uusapan naman ng en banc kung isasailalim sa COMELEC control ang Abra.