Ipinatupad ng mga bus na bumibiyahe sa Santiago City ang pagpatay sa kanilang mga makina at aircon habang naghihintay ng pasahero sa terminal upang makatipid sa diesel, na malaki na ang itinaas ng presyo dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Officer in Charge Bentry Morillo, sinabi niya na ang mga bus na nag-stopover sa Santiago City terminal ay pinapatay muna ang makina at aircon habang naghihintay ng mga pasahero.
Dagdag pa niya, bago ang nakatakdang pag-alis ng bus, muling pinapagana ang aircon upang maging komportable ang loob ng sasakyan para sa mga pasahero.
Ayon kay Murillo, maayos itong naipapaliwanag sa mga pasahero, kaya wala namang nagrereklamo sa kasalukuyan.
Bukod dito, tiniyak ng mga bus operators na pinananatili ang kaligtasan at kalinisan ng sasakyan, kahit pinapatay ang aircon at makina habang nakatigil.
Ito rin ay bahagi ng kanilang pagpapatupad ng fuel efficiency measures upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng diesel sa kanilang operasyon.











