--Ads--

Nagsampa ng reklamo sa Office of the City Prosecutor ng Maynila ang aktor na si Alfred Vargas at asawang si Yasmine Espiritu laban sa mga magulang ng isang menor de edad na sinasabing paulit-ulit umanong nambubully sa kanilang anak na lalaki sa mga swimming training at kompetisyon.

Ayon sa reklamo, ilang beses umanong itinulak at inilubog sa tubig ang kanilang anak ng batang kabilang din sa training sessions, na nagdulot ng takot at emosyonal na pinsala sa kanilang anak.

Isinampa ang kaso kaugnay ng paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Giit ng kampo ng mag-asawa, nabigo umano ang mga magulang ng batang akusado na gabayan at disiplinahin ang kanilang anak, dahilan upang maulit ang mga insidente ng agresibong pag-uugali.

--Ads--

Ikinuwento rin ang insidente noong Pebrero 2026 sa Rizal Memorial Sports Complex kung saan umano’y nakita mismo ng ilang saksi ang panunulak ng bata sa anak ng mag-asawa bago ang isang kompetisyon.

Ayon kay Alfred Vargas, ilang ulit na umanong sinubukang ayusin ang isyu sa pagitan ng mga magulang ngunit hindi ito natugunan nang maayos, kaya napilitan silang magsampa ng kaso.

Binanggit din ng kampo na ang patuloy na umano’y bullying ay nagdulot ng matinding takot at emosyonal na epekto sa kanilang anak.

Giit ng mag-asawa, ang hakbang ay hindi para sa paghihiganti kundi para protektahan ang kanilang anak at manindigan laban sa bullying.