Bago talakayin ang mga rekord ni Vice President Sara Duterte, tinanong muna ni impeachment prosecutor Divinagracia si AMLC Executive Director Ronel Buenaventura tungkol sa mga red flag na dapat bantayan ng mga bangko.
Ayon kay Buenaventura, kabilang dito ang malalaki at paulit-ulit na cash withdrawal na hindi tugma sa kapasidad ng kliyente, pati na ang mga transaksiyong walang malinaw na legal o trade obligation, layunin, o economic justification.
Sa impeachment trial, binanggit ng prosecution ang alegasyon na nag-withdraw ng ₱41 milyon na cash ang asawa ng Vice President sa loob lamang ng isang araw. Ipinunto rin ang mga remittance mula sa mga kumpanyang Tsino patungo sa food business nito na umano’y walang kaukulang trade obligation o economic justification.
Sinabi ni Buenaventura na masusubaybayan ng AMLC ang perang nananatili sa banking system, ngunit nagiging mahirap na itong matunton kapag na-withdraw na bilang cash.
Dagdag niya, ang suspicious transaction reports ay nagsisilbi lamang na panimulang punto para sa pagsusuri at imbestigasyon at hindi nito direktang ipinapakita kung magkano ang perang aktuwal na hawak ng isang tao sa isang partikular na panahon.











