--Ads--

Anim na aktibong miyembro na lamang umano ng armadong grupo ang patuloy na tinutugis ng mga awtoridad sa buong Cagayan Valley.

Ito ang ibinahagi ni Lieutenant Colonel Ericson Bulosan, Commanding Officer ng 95th Infantry Battalion, Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kasunod ng pagkakarekober ng isang arms cache sa Sitio Kapaltatan, Barangay Sindon Bayabo, City of Ilagan, Isabela noong Setyembre 15.

Ayon kay Bulosan, wala nang aktibong New People’s Army sa Isabela, habang ang mga natitirang miyembro na tinutugis sa buong rehiyon ay may mga warrant of arrest na.

Ipinaliwanag ni Bulosan na nang humina ang presensya ng NPA sa mga lugar sa Isabela, unti-unti ring nawalan ng ugnayan ang mga dating miyembro ng Militia ng Bayan sa armadong grupo.

--Ads--

Dahil dito, nakikipag-ugnayan umano ang mga ito sa mga barangay officials, militar at pulisya upang tuluyang makapagbalik-loob.

Kabilang sa mga kamakailang nagbalik-loob ang dalawang dating miyembro ng NPA na kinilala sa mga alyas na Walter at Rohel.

Ayon kay Bulosan, si alias Walter ay matagal nang naglaylo mula sa NPA at kalaunan ay nakumbinsi na ring magbalik-loob sa pamahalaan, kung saan isinuko niya ang isang M16 rifle na dati niyang ginagamit.

Nakatulong din umano ang impormasyong ibinahagi ni Walter sa pagkakatukoy sa kinaroroonan ng mga dating kasama nito, kabilang ang impormasyon hinggil sa mga pampasabog na umano’y itinago ng grupo.

Kasunod nito, narekober ng mga awtoridad ang arms cache sa Sindon Bayabo na naglalaman ng dalawang improvised anti-personnel mines, tatlong 40mm high-explosive rounds, isang rifle grenade, 100 rounds ng 7.62mm linked ammunition, limang metro ng commercial detonating cord, dalawang bandoliers, dalawang flashlight at isang sweatshirt.

Samantala, sinabi ni Bulosan na patuloy na hinihikayat ng militar ang mga natitirang miyembro ng armadong grupo na magbalik-loob sa halip na harapin ang posibilidad ng armadong engkuwentro.

Maaari umano silang makinabang sa mga programa ng pamahalaan gaya ng immediate assistance, firearms remuneration, livelihood assistance at iba pang suporta para sa kanilang reintegration sa komunidad.